Balita sa Wikang Pinoy: Bakunahan ng mga Edad 5-11 Kontra COVID Sinimulan na sa NE

LUNGSOD NG CABANATUAN — Sinimulan na ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga bata edad 5 hanggang 11 sa Nueva Ecija.
Pinangasiwaan mismo nina Health Assistant Secretary Maria Francia Laxamana at Regional Director Corazon Flores ang pagbabakuna na idinaos sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa lungsod ng Cabanatuan.
Ayon kay Laxamana, mahalagang maipaunawa sa lahat partikular sa mga magulang na ligtas ang bakuna na nakapagbibigay proteksiyon laban sa COVID-19 gayundin ay maipaalam ang isinasagawang vaccination rollout ng pamahalaan.
Kaniyang ipinahayag na marami ang dapat na isaalang-alang sa pagbabakuna sa mga kabataan gaya ang kanilang pag-uugali at pananaw sa pagpapabakuna.
Kasama din sa tinitignan ay ang kultura sa bawat lalawigan o lugar na may kaugnayan sa pagtanggap o opinyon sa vaccination program ng gobyerno.
Kinakailangan ay nakabukod ang pasilidad ng pagbabakuna para sa mga kabataan, may nakaantabay na pediatrician o kaya naman ay malapit na ospital gayundin ay magtalaga ng mga counselor na maaaring magpayo o magpagaan sa kalooban ng mga bata.
Karamihan sa 80 na nabakunahan sa unang araw ng “Resbakuna for Kids” ay mga kamaganak ng mga health worker sa lalawigan na pamamaraan din upang mahikayat ang iba pang mga magulang na mapabakunahan ang mga anak laban sa sakit na COVID-19.
Pasasalamat at pagkilala ang ipinaaabot ni Dr. PJGMRMC Medical Center Chief Hubert Lapuz sa buong vaccination team na nakatutok simula pa noong unang rollout ng bakuna hanggang sa kasalukuyan.
Dumalo bilang representante ni Governor Aurelio Umali si Provincial Administrator Alejandro Abesamis na nagpahayag ng suporta sa pagsisimula ng vaccination rollout para sa mga kabataan. (PIA 3)