Malinis At Ligtas Na Zambales
IBA, Zambales —NAGSIMULA na ang paglilinis at rehabilitasyon ng mga lugar sa lalawigan ng Zambales na pinagminahan sa nakalipas na panahon. “Hindi na dapat hintayin ang darating na tag-ulan bago kumilos para hindi na mailagay sa panganib ang buhay, pananim, alagang hayop at ari-arian ng ating mga kalalawigan,” saad ni Zambales Governor Amor D. Deloso.

Ang paglilinis at rehabilitasyon ng mga pinagminahan ay sinimulan kamakailan matapos pagtibayin noong Ika-8 ng Disyembre, 2016 ng Sangguniang Panlalawigan ang Memorandum of Agreement (MOA) ni Gob. Deloso sa isang pribadong kumpanya noong Ika-11 ng Nobyembre 2016.
Buong Sangguniang Panlalawigan ang nag-aproba sa naturang MOA sa pamamagitan ng Resolution No. 2016-247 na nilagdaan nina Bise Gobernador Angel E. Magsaysay at mga bokal Jury L. Deloso, Renato H. Collado, Samuel D. Ablola, Sancho A. Abasta, Jr., Rolex E. Estella, Saturnino V. Bactad, Jonathan F. Khonghun, Wilfredo C. Felarca, Jose M. Gutierrez, Jr., Gigi Ejanda-Juarez at Romelino R. Gojo.
“Paglilinis at rehabilitasyon ang ginagawa, hindi pagmimina,” paglilinaw ni Eng’r. Cesar D. Estrada ng Environment & Natutal Resources of Zambales (ENROZ). “Ipinagbawal na ni Gob. Deloso ang pagmimina sa Zambales,” dagdag pa niya.
Taong 2015 pa hiniling sa pamahalaan ng Lalawigan ng Zambales ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Dept. of Environment & Natural Resources (DENR) Region 3 ang pag-alis sa mga stockpile ng minina na inireklamo mismo ni ngayon ay DENR Secretary Gina Lopez.
Noong Marso ng nakaraang taon, sa ngalan ng mga taga-Bgy. Uacon, Candelaria, Zambales ay sumulat si Punong Barangay Felicitas A. Apongol kay Mayor Napoleon E. Edquid para sa agarang paglipat o pagtanggal sa mga stockpile ng pinagminahan sa kanilang lugar.
“Kung hindi agad maiaalis ang stockpile, ang aming Barangay ang magdurusa ng lubos,” sinabi ni Apostol sa wikang Ingles sa kanyang liham kay Mayor Edquid. Ipinaabot naman agad ni Mayor Edquid kay Lope O. Cariño, Jr. , O-I-C regional director ng MGB-DENR Region 3 ang kahilingan ng kanyang mga kababayan na agarang paglilinis ng mga mininang lugar “upang maiwasan ang kalamidad” na maaaring maganap.

Bilang hakbang, sumulat si Cariño noong Ika-18 ng Oktubre, 2016 kay Gob. Deloso na nagbibigay-diin sa una nang kahilingan ng MGB-DENR Region 3 na agad alisin o linisin ang mga stockpiles na minina sa iba’t-ibang bayan ng Zambales.
Positibo namang in-aksiyunan ni Gob. Deloso ang kahilingan ng MGB-DENR Region 3 kaya nabuo ang nabanggit na MOA. Ayon sa MOA, bukod sa paglilinis ng mga pinagminahan, magsasagawa rin ng rehabilitasyon sa naturang mga lugar.
“May malinaw na plano kung paano mapipigilan ang pagtagas sa mga ilog ng pinagminahan,” wika ni Eng’r. Estrada, “at may rehabilitasyon kung saan may mga punong itatanim at aalagaan para matiyak na tutubo ang mga ito.”
Mahigit 200 katao ang magkakaroon ng trabaho o kabuhayan sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga puno, ayon kay Estrada.
“Bawat pamilya ay magpupunla ng pananim na puno at kapag pwede na ay ililipat sa inihandang pagtataniman,” paliwanag ni Estrada, ”sila na rin ang mag-aalaga kaya sigurado nang may kikitain sa mahabang panahon ang mga kalalawigan natin habang sila ay nagiging bahagi sa pangangalaga sa ating kalikasan.”
Batay pa rin sa MOA, may Site Development Plan na binubuo ng tatlong bahagi, isa, ang drainage system improvement, pangalawa, settling pond enhancement, at pangatlo, ang slope stabilization. “Pinag-aralan naming mabuti ng MGB-DENR Region 3, mga Board Members at Bise Gobernador Magsaysay at nakita namin na kailangan nga na malinis na at magkaroon ng rehabilitasyon ang mga pinagminahan dito sa ating lalawigan,” diin ni Deloso. “Para sa kaligtasan at kapakanan ito ng mga Zambaleño na kailanman ay hindi ko papayagang maperhuwisyo ng kahit na sino,” pagtatapos ni Deloso. #
Paglilinis at Rehabilitasyon sa mga Pinagminahan

