Tinanggap nina Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado (kanan) at Department of Education Bulacan Division Schools Superintendent Romeo Alip (kaliwa) ang Over-All Trophy ng Central Luzon Regional Athletic Association Meet 2018. (Bulacan PPAO)

LUNGSOD NG MALOLOS, Mar 2 (PIA) — Nasungkit ng lalawigan ng Bulacan ang ika-17 pangkalahatang kampeyonato nito sa Central Luzon Regional Athletic Association o CLRAA Meet.

Nag-uwi ito ng 92 na medalyang ginto, 76 na medalyang pilak, at 55 na medalyang tanso.

Sa isang mensahe, sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na tunay na inilalabas ng pagkakapanalo ang kahusayan ng bawat isa ngunit ang pagkatalo ay hindi nangangahulugang katapusan na bagkus ay dapat gamitin ang pagkatalo bilang tuntungan patungo sa tagumpay.

Binigyang diin ng Gobernador na sa darating na Palarong Pambansa na gaganapin sa lungsod ng Vigan sa Abril, makikipagtunggali ang mga atleta sa Gitnang Luzon bilang i-isang delegasyon.

Hinikayat naman ni Department of Education Regional Director Malcolm Garma ang mga atleta, tagapagsanay, at mga guro na dalhin ang mga kulay na pula bilang sagisag ng katapangan at pag-ibig at ginto bilang simbolo ng kamanyangan at katalinuhan.

Inanunsyo din ni Garma na Patriots ang magiging team name ng rehiyon sa darating na Palarong Pambansa dahil Gitnang Luzon ang tahanan ng mga bayani at mga makabansa.

Pumangalawa sa Overall Tally ang Bataan na may 49 na ginto, 47 na pilak, at 49 na tanso habang pumangatlo ang lungsod ng Olongapo na may 35 na ginto, 35 na pilak, at 39 na tansong medalya.

Para sa special awards, itinanghal na Most Disciplined Delegation ang lungsod ng Cabanatuan; Most Organized Delegation ang lalawigan ng Bataan; at Cleanest, Greenest at Eco-friendly Delegation ang lalawigan ng Pampanga.

Ang mga naturang delegasyon ay tumanggap ng tig-sampung libong pisong insentibo. PIA 3)

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *