Kauna-unahang AI-powered 2D echo machine sa Gitnang Luzon, inilunsad sa Zambales


IBA, Zambales — Pormal nang inilunsad sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital ang kauna-unahang artificial intelligence (AI)-powered 2D echo machine sa Gitnang Luzon, bilang hakbang upang higit pang mapahusay ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Zambaleño.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas abot kaya at dekalidad ang serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino.
Sinabi ni Gobernador Hermogenes Ebdane Jr. na sa pamamagitan ng bagong pasilidad ay mababawasan ang gastusin, hirap, at mahabang paghihintay ng dinaranas ng maraming pamilya sa pagpapagamot.
Aniya, bahagi ang AI-powered 2D echo machine ng mas malawak na programa ng pamahalaang panlalawigan upang palakasin ang kakayahan ng mga pampublikong ospital, gawing moderno ang mga kagamitang medikal, at mapalawak ang mga serbisyong pangkalusugan.
Ang makabagong 2D echo machine ay gumagamit ng AI technology upang mapabilis at mapahusay ang pagsusuri sa mga pasyenteng may karamdaman sa puso.
Ito ay isang paraan ng pagsusuri gamit ang ultrasound upang makita ang istruktura, galaw, mga balbula, at pangkalahatang kondisyon ng puso.
Sa tulong ng AI, inaasahang mas mapapabilis ang pagbasa at interpretasyon ng resulta ng pagsusuri na magpapaikli sa oras ng paghihintay ng mga pasyente.
Sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, inaasahang mas maraming pasyente ang mabibigyan ng agarang cardiac examination, na makakatulong sa mas maagang pagtuklas, deteksyon, at agarang paggamot sa sakit sa puso. (PIA R3-Zambales)
